Luke 20:1-8

Ang Tanong tungkol sa Awtoridad ni Jesus

(Mat. 21:23-27; Mar. 11:27-33)

1Isang araw, habang nangangaral ng Magandang Balita si Jesus sa mga tao sa templo, lumapit sa kanya ang mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng mga Judio. 2Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo nga sa aminkung ano ang karapatan mo na gumawa ng mga bagay na ito. Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?” 3Sinagot sila ni Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Sabihin ninyo sa akin, 4kanino galing ang awtoridad ni Juan para magbautismo, sa Dios
sa Dios: sa literal, sa langit.
o sa tao?”
5Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa Dios, sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala kay Juan?’ 6Pero kung sasabihin nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao, dahil naniniwala silang si Juan ay propeta ng Dios.” 7Kaya sumagot sila, “Hindi namin alam.” 8Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito.”

Copyright information for TglASD